Oda sa Bituin ng Tag-araw
ni: isang Pilipino
Matanda pa sa siyensiya
Malayo pa sa abot na makakaya
Sa matiyaga mong paglubog at pagsikat,
Anong pagtanyag ba ang makasasapat?
Umaga’y katagang sadya mong inangkin
Liwanag, isinaboy, walang patumanggi
Sa lilim ng mabibigat na ulap, nag-antay
Kabigua’y binigo, unos nga’y pinatay
Milyong munting nilalang, binawian ng buhay
Karamdaman, din a umabot pa sa hukay
Bilyong munting patak ng tubig, tinuyo
Mayroon nang isinuot, linakaran, isinubo
Pangitaing dinadayo ng madla
Lungkot at tangis, di alintana kaypala
Ikaway mo ang sinag ng pamamaalam
Sa malamig na tubig ng agam-agam
Uminog sayo’t patuloy pang magaganap
Planeta at tao sa hinaharap
Hiram na ilaw, ang buwan umuutang
Sa pag-asang balang araw, ika’y masuklian
Sa tugatog ng bawat kabundukan
Binasbasan libu-libong palayan
Sa karahasan natatanging saksi
Malagim na alaalang di mo maiwaksi
Sa kalakhan ng labing ng kagubatan
Sinag, sinikap abutin ang kaibuturan
Sa pagitan ng uhilya namahinga, namalagi
Sa ginaw at dilim, walang pasubali
Ikaw ang nag-iisang sudlungan ng silahis,
Kanlungan ng alaala, pait, at tamis
Sa bawat paglingon at pagbabalik-tanaw
Tanging ikaw ang bubuhay sa gunita, Araw.
Ang araw.
Ang araw ang pinakamagandang salita
Sa diksyunaryong Pilipino;
Dalawa ang ibig ipahiwatig:
Una, ang ngayon.
Pangalawa, ang Bukas.
Tuesday, March 20, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment