UMULAN KAGABI
Kagabi, umulan. Bakit ba tuwing malungkot ako, lagi na lang umuulan?
Dahil ba gusto Mong hugasan lahat ng masasama kong nararamdaman,
O dahil nakikiisa Ka sa dalamhating nararanasan?
Kagabi, umulan. Mahina. Dahan-dahan.
Bawat patak ng tubig naririnig kong tumatama sa bawat kadahunan.
Babagsak sa lupa. Maiipon. Aagos.
Kagabi, umulan. Naisipan kong gumawa ng tula,
isang awit na magpapahiwatig ng dala Mong Magandang Balita.
Pero malungkot. Di ako nakagalaw.
Pinakinggan ko na lang kung anong gusto Mong sabihin.
Kagabi, umulan. Malamig. Masangsang ang amoy ng lupang sumisingaw
kapag ika’y bumabagsak. Pero hindi ko na yun namalayan.
Sapagkat bagsak mo’y marahan,
wari bang damdamin ko’y pilit Mong iniingatan.
Kagabi, umulan. Matapos kong sabihin lahat ng hindi nararapat.
Matapos kong mapatunayang walang ibang nilalang ang makasasapat,
sa pakikinig Mo, sa palagiang pagdamay Mo.
Kagabi, umulan. Yumao ako, sa pag-asang ibang Ako ang gigising kinabukasan.
Pinatay ko ang damdaming magpapahina sa aking katauhan.
Binaon ko ang bawat alaalang ika’y pinagkatiwalaan.
Kagabi, umulan. At di ko na hahayaang maghinagpis Kang muli sa aking kasalanan.
Di ko na tutulutang mas marami pa ang makaalam---
Kung sino talaga ako, at kung anong uri ng karahasan ang hatid ko.
Kagabi, umulan. Ngayong umaga, naririnig ko ang huni ng ibong
pansamantalang nagkubli sa makapangyarihang mga Patak kagabi.
Ang ulang nakasadsad sa lupa ay unti-unti nang nagiging putik.
Mamaya, alikabok. Dadalhin ng hangin sa mas malayo pang Pook.
Nagtagumpay ako. Nagtagumpay ako. #
Friday, March 23, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment